Buong puwersa ang OWWA National Capital Region sa pagbaba ng mga programa at serbisyo ng OWWA sa komunidad sa naganap na Parokya ng OWWA sa Barangay at Pamilyang OFWs kahapon sa Barangay Tangos South, Navotas City.
Pinangunahan ni Regional Director Ma. Teresa B. Capa ang talakayan kung saan binigyang linaw ang mga katanungan ng mga residente patungkol sa iba’t ibang programa at serbisyong hatid ng OWWA sa ating mga OFWs at kanilang mga pamilya.
Sa kaniyang mensahe ay kinilala ni Dir. Capa ang mahalagang tungkulin ng lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga impormasyon sa mga residente nito, “Gusto namin na lakasan ang ating relasyon sa mga barangay officials dahil sila ang ama o ina ng inyong barangay, kaya kami nandito ay upang bigyan kayo ng oryenstasyon—bigyan kayo ng impormasyon kung ano ang mga programa at serbisyo ng OWWA”.
Mahigit 200 residente ng Barangay Tangos South sa pamumuno ni Punong Barangay Salvador “Jojo” Miller Jr. ang nakiisa sa programa. Sa kanyang mensahe ay ipinahatid ni PB Miller ang pasasalamat sa hakbangin na ito ng OWWA, ipinabatid din niya ang suporta sa pagigiging tulay sa pangagalaga ng kapakanan ng mga OFWs, “Dito po sa Navotas ay maraming grupo po dito ang OFW na umaasa, kung sakaling magkaroon po ng problema ay nandidito po ang barangay natin upang makipagugnayan sa OWWA, nagpapasalamat po ako sa OWWA sa pakikipagtulungan sa amin. Malaking bagay po na nakarating sa atin ang OWWA”.
Dumalo din si City Councilor at Presidente ng Navoteñong OFW Family Circle Federation, Analiza “Liz” Lupisan na nag nagpahatid din ng kanyang pasasalamat, “Naririto po sila upang ibaba ang serbisyo ng OWWA kung ano man po ang isyu ay nariyan sila handang tugunan ang inyong pangangailangan at karaingan”.
END/ ALWEANE T. ILANG-ILANG